Django hari ng Derby City Classic Fatboy Challenge

MANILA, Philippines - Muling inilagay ni billiards legend Francisco ‘Django’ Bustamante ang Pilipinas sa mapa ng world billiards scene nang pagharian ang 2012 Derby City Classic Fatboy 10-Ball Challenge na ginanap sa Horseshoe Casino and Hotel sa Elizabeth, Indiana, USA.

Ito ay matapos niyang igupo si American bet Steve Moore, 15-5, sa kanilang finals showdown.

Nauna nang tinalo ni Bus­tamante si 2012 Der­­by City Classic Bank Di­vision champion John Morra ng Canada, 15-5, sa semifinal round patu­ngo sa kanilang titular match ni Moore, bu­mi­go kay Alex Pagulayan, 15-12.

Tinanggap ni Bustamante ang top prize na $12,000 at nagkasya si Moore sa $7,000, habang nakuntento naman si­na Pa­gulayan at Morra sa tig-$3,500 matapos ma­ka­rating sa Final Four.

Kaagad na itinala ni Bustamante ang 2-0 lead bago nakatabla si Moore sa 2-2 at nakadikit sa 3-4.

Muling nakalayo si Bustamante sa 13-3 nang kunin ang siyam na sunod na racks upang iwanan si Moore.

Buhat sa pagkakabaon sa 3-13 ay sinamantala ni Moore ang dry break ni Bus­tamante para makabalik sa laro sa 5-13.

Nakalamang si Busta­man­te sa 14-5 sa sumunod na tagpo at nagkaroon pa ng tsansa si Moore subalit nakagawa ng scratch sa kanyang break sa 20th rack.

Show comments