Django hari ng Derby City Classic Fatboy Challenge
MANILA, Philippines - Muling inilagay ni billiards legend Francisco ‘Django’ Bustamante ang Pilipinas sa mapa ng world billiards scene nang pagharian ang 2012 Derby City Classic Fatboy 10-Ball Challenge na ginanap sa Horseshoe Casino and Hotel sa Elizabeth, Indiana, USA.
Ito ay matapos niyang igupo si American bet Steve Moore, 15-5, sa kanilang finals showdown.
Nauna nang tinalo ni Bustamante si 2012 Derby City Classic Bank Division champion John Morra ng Canada, 15-5, sa semifinal round patungo sa kanilang titular match ni Moore, bumigo kay Alex Pagulayan, 15-12.
Tinanggap ni Bustamante ang top prize na $12,000 at nagkasya si Moore sa $7,000, habang nakuntento naman sina Pagulayan at Morra sa tig-$3,500 matapos makarating sa Final Four.
Kaagad na itinala ni Bustamante ang 2-0 lead bago nakatabla si Moore sa 2-2 at nakadikit sa 3-4.
Muling nakalayo si Bustamante sa 13-3 nang kunin ang siyam na sunod na racks upang iwanan si Moore.
Buhat sa pagkakabaon sa 3-13 ay sinamantala ni Moore ang dry break ni Bustamante para makabalik sa laro sa 5-13.
Nakalamang si Bustamante sa 14-5 sa sumunod na tagpo at nagkaroon pa ng tsansa si Moore subalit nakagawa ng scratch sa kanyang break sa 20th rack.
- Latest
- Trending