BAGUIO CITY, Philippines - Inilampaso ng University of Visayas ang Sacred Heart of Jesus Montessori, 120-75, para angkinin ang Samahang Basketbol ng Pilipinas National Under 16 basketball championship dito sa University of Baguio gym.
Nagtala si UV top gun Andres Paul Desiderio ng 36 points, 7 rebounds at 4 assists, habang nagdagdag si Leonard Santillan ng 23 points kasunod ang 20 ni Ralph Jude Dinolan at 11 ni Gerald Fernandez.
“Talagang nag-step up ang mga bata. Naglaro nang husto dahil gustong manalo. Sa kanila ito,” sabi ni coach Jaymar Canoy. “Ang akala ko nga matatanggal na kami noon dahil talo agad. Buti naka-recover.”
Nagmula ang Baby Lancers sa 93-87 paggupo sa National Capital Region bet University of Santo Tomas sa semifinals.
Hinangaan naman ni SBP executive director Sonny Barrios ang mga Baby Lancers.
“A great learning institution from Cebu and a great basketball power, my congratulations to UV,” wika ni Barrios.
Sa labanan para sa third place trophy, pinayukod ng UST ang Bacolod-based St. John institute, 85-72.
Ang St. Clare ng Caloocan ang nanalo sa girls division.