MELBOURNE, Australia --Pinayukod ni Victoria Azarenka si Maria Sharapova 6-3, 6-0, upang makopo ang Australian Open women’s title at angkinin ang No. 1 ranking para sa kanyang unang Grand Slam final.
Naisuko ng Belarusian ang kanyang opening service game at naiwanan sa 2-0 bago kunin ang 12 sa 13 laro at tuluyan nang igupo si Sharapova, ang 2008 Australian champion.
Si Azarenka ang pangatlong lady netter na nakakuha ng No. 1 spot matapos masikwat ang una niyang Grand Slam title.
Laban kay Sharapova, muling ipinakita ni Azarenka ang kanyang porma sa Australian Open, ang kanyang pang 25th consecutive major. Nakuha niya ang Sydney International title kamakailan at nasa isang 12-match winning streak.
Tuluyan nang naibulsa ng third-seeded na si Azarenka ang Australian Open crown nang maipasok ang isang forehand winner matapos ang groundstroke ni Sharapova.