MANILA, Philippines - Tumatag pa ang laban ng nagdedepensang Mandaue City para sa overall title sa 2012 PLDT-ABAP Visayas Area Championships nang magpasok pa ng dalawang boksingero sa semifinals na ginanap sa Robinson’s Mall sa Dumaguete City.
Ang 16-anyos na si Rolan Servania na kapatid ng walang talong pro boxer Genesis Servania, at Ronald Bryan Remedio ang siyang bumalikat sa laban ng koponan noong Biyernes upang pawiin ang pagkatalo ng kasamahang si Melmark Dignos.
Itinigil ang laban nina Servania at Vince Joan General ng Dumaguete Team B may 2:38 sa unang round nang kumonekta sa dalawang matitinding left cross si Servania para sa magkasunod na standing 8-count sa katunggali tungo sa panalo sa Youth pinweight division.
Kinapitalisa naman ni Remedio ang pagbaba ng depensa ni Feliciano Santiago Jr. ng Negros Occidental Province para makaiskor ng dalawang straight at manalo sa 3-2 iskor sa Junior lightweight division.
Sa pangyayari, anim sa pitong boksingerong dinala sa torneong inorganisa ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) na suportado ng PLDT at may ayuda ng pamahalaang lokal ng Dumaguete at Negros Occidental, ang maglalaro sa semifinals.
Ang Bago City ay mayroong limang boksingero na nasa semifinals sa pangunguna ni Raymart Flores na nanalo kay Dignos sa pamamagitan ng RSC sa second round, upang paigtingin ang labanan sa apat na araw na torneo.
Ang Negros Occidental Province ay may dalawang boksingero na nanalo sa pangunguna ni Aljun Oro na siyang nakapagtala ng pinakamabilis na panalo sa araw na ito nang itigil ang laban nila ni Dexter Flores ng Dumaguete A may 1:38 sa unang round dahil sa pinakawalang solidong one-two combinasyon sa ulo ng kalaban sa youth pinweight division.
Umakyat naman sa tatlo ang semifinalists ng Cebu City nang manalo si Rodex Piala laban kay Leonel Ermeo ng Bago City sa Youth light flyweight class.