Phl Patriots balik sa porma, tinalo ang Warriors
MANILA, Philippines - Pinawi agad ng AirAsia Philippine Patriots ang unang kabiguang nalasap sa kamay ng expansion team San Miguel Beermen nang ilampaso nila ang Indonesia Warriors, 86-73, sa idinaos na AirAsia 3rd ASEAN Basketball League kahapon sa San Juan Arena.
Naghasik ng 33 puntos at 10 rebounds si Anthony Johnson at 18 rito ay ginawa sa second half para makalayo ang Patriots mula sa dikitang first half.
Limang tres ang ginawa ni Johnson sa huling 20 minuto ng bakbakan at ang kanyang pang-apat na buslo sa pagbubukas ng huling yugto ang nakatulong para lumamang na ng 12 ang host team, 68-56.
Ito ang ikalawang panalo sa tatlong laro ng Patriots at si Nakiea Miller ay naghatid ng double-double na 19 puntos at 16 rebounds bukod sa 3 blocks para manalo sa tagisan nila ng dating Patriots import na si Steve Thomas na may 16 puntos at 15 rebounds.
“Ang panalong ito ay nagpapakita na kayang bumangon ng koponan matapos madapa sa huling laro,” wika ni Patriots coach Glenn Capacio.
Matapos magtala ng 15 puntos sa first half ay nag-init pa si Johnson sa ikatlong yugto nang kumana pa ng 12 puntos para ma-outscore ng Patriots ang Warriors, 25-21.
Huling dikit ng Warriors ay sa 52-51 sa split ni Jonathan Smit pero kumawala ng dalawang tres si Johnson para sa 10-2 palitan para sa 62-53 bentahe.
Pinakamalaking kalamangan ng koponang pag-aari nina Mikee Romero ng Harbour Centre at Tony Boy Cojuangco ay 14 puntos sa magkasunod na jumpers nina Rob Wainwright at Al Vergara, 72-58, may 7:28 sa orasan.
- Latest
- Trending