MANILA, Philippines - Bagamat mapapalaban sa isang sumisikat na world boxing champion, kalmado pa rin si Wilfredo Vazquez, Jr. sa kanyang training camp.
“I’m good, I feel great and I’m very relaxed,” wika kahapon ni Vazquez sa isang media day workout sa Bayamon, Puerto Rico bilang paghahanda sa kanilang suntukan ni Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr.
Paglalabanan nina Donaire at Vazquez ang bakanteng WBO super bantamweight title sa Pebrero 4 sa Alamodome, San Antonio, Texas.
Kasalukuyang nagdadala si Donaire ng 27-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 18 KOs) slate, samantalang may 21-1-1 (18 KOs) card si Vazquez.
Ito ang unang pagkakataon na lalaban ang 29-anyos na si Donaire sa super bantamweight division matapos magkampeon sa IBF flyweight class at WBO bantam category.
“I’m doing my job, putting in the work at the gym and I’ll be on weight for the fight, that’s what’s most important,” sabi naman ni Vazquez, ang tatay na si Wilfredo Vazquez, Sr. ay isang world three-division champion.
Kumpara kay Donaire, nanggaling si Vazquez sa una niyang kabiguan laban kay Mexican Jorge Arce noong nakaraang taon.
“I’m training diligently and I’m ready to show shock the world,” dagdag pa ni Vazquez sa kanyang laban kay Donaire, “I will do everything I can to be at my best for this fight.”