MANILA, Philippines - Matapos lasapin ang unang kabiguan, nananalig si AirAsia Philippine Patriots coach Glenn Capacio na nagising na ang kanyang bataan na dapat hindi sila magpapabaya sa bawat laban.
Sa ganap na alas-4 ng hapon ay babalik sa San Juan Gym ang Patriots para harapin ang bisitang Indonesia Warriors at mag-uunahan ang dalawa sa pag-asinta sa ikalawang panalo sa tatlong laro.
Mula sa 70-78 pagkatalo ang Patriots sa kamay ng San Miguel Beermen ay nangyari ito dahil sa maraming errors at masamang shooting ng koponang pag-aari nina Mikee Romero ng Harbour Centre at Tony Boy Cojuangco.
“Kailangang magkaroon kami ng mas magandang ball movement at maging agresibo. Alam ng Indonesia ang laro natin kaya dapat ay magkaroon ng magandang start para makapagdikta agad,” wika ni Capacio.
Sesentro ang atensyon sa ipakikita ng mga Patriots imports na sina Nakeia Miller at Anthony Johnson dahil ang Warriors ay nagpaparada ng masisipag na reinforcements na sina dating Patriots import Steve Thomas at Jonathan Smith.
Maliban sa mga imports, kailangan din ng Patriots ang mas magandang local support sa pangunguna ni Aldrech Ramos na sina Reed Juntilla, Marcy Arellano at Jonathan Fernandez ay dapat ding magkaroon ng magandang opensa para mas tumaas ang tsansang manalo ng koponan.
Mula sa 80-93 kabiguan ang Warriors sa kamay ng Malaysia Dragons at bukod kina Thomas at Smith ay isa sa dapat abangan ay ang Best Local Player ng season 2 na si Mario Wuysang na sa ligang ito ay naghahatid ng solidong numero na 19.5 puntos, 3 rebounds, 2 steals at 2.5 assists.