MANILA, Philippines - Sapat na ang isang komperensya na nakasama ni B-Meg head coach Tim Cone si Kerby Raymundo para ikunsidera niya itong ‘highlight’ ng kanyang coaching career.
“Wish the best for Kerby. One of the highlights of my career will be coaching him for that one conference. I wished he could have stayed,” wika kahapon ni Cone sa kanyang Twitter account.
Tuluyan nang pinakawalan ng Llamados ang 6-foot-6 na si Raymundo sa pamamagitan ng isang three-team trade na kinasasangkutan rin ng Ginebra Gin Kings at Barako Bull Energy.
Sa katunayan ay noong nakaraang PBA season pa gusto ni Raymundo na lumipat sa Ginebra, ngunit pinakiusapan lamang siya ni Cone na maglaro para sa B-Meg sa 2011-2012 PBA Philippine Cup.
Tumapos ang Llamados na fifth-placer sa nasabing season-opening conference.
Inaprubahan na ni PBA Commissioner Chito Salud ang proposed trade sa pagitan ng B-Meg, Ginebra at Barako Bull at kinabilangan ng limang players at ng ilang future draft picks.
Para makuha si Raymundo, ibinigay ng Gin Kings sa Llamados sina JC Intal at ang 2012 second round draft pick ng Energy na nakuha nito mula sa Shopinas.com, ngayon ay Air21 Express, sa isang nakaraang trade.
Sina Ronald Tubid, rookie center Reil Cervantes at ang 2014 second round pick ng Ginebra ang napunta sa Barako Bull kapalit ni rookie Dylan Ababou.
Nagkaroon rin ng trade sa pagitan ng Meralco at Air21 kung saan dinala ng Bolts sina Bitoy Omolon at Mark Isip sa Express para kina Mark Canlas, Dennis Daa at ang 2012 first pick nito.