Freego Jeans nakauna sa finals
MANILA, Philippines - Isinalpak ni Eric Camson ang dalawang mahahalagang freethrows sa huling 3.7 segundo bago pinagmasdan ng Freego Jeans na makahulagpos ang breaks na nakuha ng Cebuana Lhuillier upang makapasok ito sa PBA D-League Aspirants’ Cup Finals gamit ang 69-67 overtime panalo kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Naisantabi ng Jeans Makers ang pagkawala ng walong puntos kalamangan sa huling yugto (59-51) nang mas kakitaan ng solidong laro sa extension para makapasok sa championship round sa unang pagkakataon sa dalawang conference na paglalaro sa liga.
Matapos ang free throws ni Camson para sa 68-66 kalamangan ay nagkaroon ng pagkakataon si Pari Llagas na maitabla uli ang iskor sa foul ni Camson ngunit split lamang ang kanyang nagawa.
Nagkaroon pa ng pagkakataon ang Gems na maihirit ng panalo nang sumablay sa dalawang buslo sa 15-footline si Bacon Austria.
Sumugal sa technical foul si Terrence Romeo nang tumawag ito ng timeout gayong wala na silang natitira pero nagamit ito ng Gems para makapaglatag ng isang play.
Ngunit matapos ang technical free throw ni Lester Alvarez ay napalakas ang pasa para kay Vic Manuel tungo sa turnover at pagtatapos ng kampanya ng Gems na pumangalawa sa elimination round.
Kailangang maghintay naman ng Freego Jeans ng makakalaban sa best- -of-three finals dahil nakahirit ang nagdedepensang NLEX ng game three laban sa Big Chill sa pamamagitan ng 69-62 tagumpay sa unang laro.
Isang 13-5 palitan na pinagtulungan nina RR Garcia at Ian Sangalang ang pinakawalan ng Road Warriors upang balewalain ang pagkawala ng 24 puntos kalamangan at ang pag-agaw pa ng Superchargers ng bentahe, 56-57, upang maitabla ang best-of-three semis series sa 1-1.
- Latest
- Trending