OKLAHOMA CITY -- Nasungkit ng Oklahoma City ang kanilang pang-10 panalo sa huli nilang 11 laro matapos talunin ang New Orleans Hornets, 101-91, sa likod ng 25 points ni Kevin Durant.
Ngayon ay maglalaro naman ang Western Conference leaders sa labas ng kanilang tahanan.
Makakaharap ng Oklahoma City sa kanilang mga road games ang Golden State, New Jersey at Boston.
Ang panalo ang nag-angat sa Thunder sa 15-3, ang best record sa West sa kabila ng 21 turnovers ng Oklahoma City at masamang laro ni guard Russell Westbrook.
Nagtayo ang Oklahoma City ng isang 14-point lead sa first half hanggang makalapit ang New Orleans sa 81-83 agwat sa 9:07 sa fourth quarter.
Ang back-to-back shots ni Westbrook, tumapos na may 14 points mula sa kanyang 4-of-14 fieldgoals, ang muling naglayo sa Thunder laban sa Hornets patungo sa kanilang tagumpay.
Sa Chicago, kumana si Danny Granger ng 22 puntos at nagdagdag si Roy Hibbert ng 20 puntos upang banderahan ang Indiana Pacers sa 95-90 pananaig laban sa home team.
Sa San Antonio, nagtulong sina Matt Bonner at DeJuan Blair sa pagkamada ng tig-17 puntos upang bitbitin ang Spurs 105-83 tagumpay laban sa Atlanta Hawks.
Sa Dallas, naglista si Kevin Love ng 31 puntos at 10 rebounds at ipinagdiwang ang kanyang pagpirma ng bagong kontrata matapos manguna sa 105-90 panalo ng Minnesota sa labas ng kanilang bakuran laban sa Mavericks.
Sa iba pang laro, nanalo ang New Jersey sa Philadelphia, 97-90 sa likod ng 34 puntos ni Deron Williams.