MANILA, Philippines - Pinayukod ng St. Clare College-Caloocan ang Assumption College of Davao, 79-43, para makopo ang women’s title, habang tinalo ng Sacred Heart of Montessori ang University of Sto. Tomas, 88-78, sa men’s side sa SBP National Under-16 sa Cordillera Career Development College.
Kahit na matalo ang Lady Saints sa St. Louis University, makukuha pa rin ng St. Clare, pagma-may-ari ni Dr. Jay Adalem, ang korona pati na ang P20,000 donasyon mula kay SBP president Manny V. Pangilinan, nagbigay rin ng P30,000 para sa men’s champion.
“Mr. Pangilinan called me after Talk ‘N Text beat Powerade in Game 2 that he will give cash donations to the men and women champions,” wika ni SBP deputy executive director Bernie Atienza.
Naglaro ng walong players, nakontrol pa rin ng Caloocan-based St. Clare Lady dribblers ang laro para mapreserba ang kanilang 3-0 record sa five-team women division.
Nagtala ang mga Sacred Heart dribblers ng 18 points laban sa Growling Tigers upang pangunahan ang Group B sa bisa ng kanilang 4-0 card at kunin ang isang semifinal berth.
Mula sa kanilang 3-1 baraha, umabante rin sa semis ang UST kagaya ng Claret School na tumalo sa Sacred Heart of Jesus sa pamamagitan ng ‘winner over the other’ rule matapos ilista ang 85-77 tagumpay sa elimination.
Inungusan naman ng International School for Better Beginnings ang St. Bridget College, 59-57, at tinalo ng La Union College of Nursing and Arts ang St. Clare, 77-61, sa men’s division.
Pinayukod naman ng Jose de Venecia Sr. Memorial National High School ang St. Louis University, 63-55, sa women’ bracket.