Bosh isinalba ang Heat sa panalo
MIAMI - Hindi maganda ang inilaro ni LeBron James laban sa kanyang dating koponang Cleveland Cavaliers.
Ngunit tiniyak naman ni Chris Bosh ang panalo ng Miami Heat.
Umiskor si Bosh ng 17 points sa fourth quarter para tumapos na may game-high 35 points upang tulungan ang Heat sa 92-85 panalo laban sa Cavaliers.
Tumipa si Bosh ng 10-for-16 fieldgoals at umabot sa 30-point mark para sa pang apat na pagkakataon ngayon para ibigay sa Miami ang 4-1 rekord laban sa Cleveland sapul nang lumipat si James.
“Whenever I play and I don’t hesitate, good things happen,” wika ni Bosh.
Isang three-point play ni Bosh ang naglayo sa Heat sa Cavaliers sa 84-76 upang tuluyan nang selyuhan ang kanilang panalo.
“I think he made the biggest adjustment with this whole situation,” sabi ni James sa inilaro ni Bosh para saluhin ang kanilang trabaho ng may injury na si Dwyane Wade, hindi naglaro dahil sa kanyang sprained right ankle.
Ang 35 points ang pinakamalaking iniskor ni Bosh sapul nang magtungo sa Miami.
Umiskor naman si Kyrie Irving, ang No. 1 overall draft pick at sinasabing papalit kay James sa Cavaliers, ng 17 points mula sa kanyang 7-for-11 shooting.
Nagdagdag si Samardo Samuels ng 15 points para sa Cleveland kasunod ang 11 points at 11 rebounds ni Anderson Varejao at 10 points buhat kay Ramon Sessions.
- Latest
- Trending