MANILA, Philippines - Tinanghal na overall champion si Filipino Grand Master Oliver Barbosa sa 10th Parsvnath International Grandmasters Chess Tournament na ginanap sa Ludlow Castle Sports Complex, Civil Lines sa New Delhi, India.
Tinalo ng pambato ng Taytay, Rizal si International Master Shyam Nikil gamit ang itim na piyesa sa eleventh at final round.
Itinala ng dating University of the Philippines mainstay ang 9.5 puntos para makuha ang tropeo.
Nagtabla naman ang laban ni GM John Paul Gomez kontra kay Ma Qun ng China para tumapos sa No. 2 hanggang No. 3 sa naisulong niyang 9 points katabla si IM Lalith Babu M R ng India.
Ngunit nang ipinatupad ang tie break points, nakopo ng Biñan, Laguna bet ang overall second place.
Tinalo naman ni GM Mark Paragua si GM Evgeny Gleizerov ng Russia para makisalo sa No. 4 hanggang No. 5 puwesto.
Nakamit ng Bulacan-based na si Paragua ang overall fourth place mula sa kanyang superior quotient kontra kay Ma.
Ang nasabing torneo ay bahagi ng preparasyon ng national team na isasabak sa 38th World Chess Olympiad na idaraos sa Istanbul, Turkey.
Isa si Barbosa sa babandera sa tropa.