Perpetual Altas, Lady Altas winalis ang elimination round ng 87th NCAA men's at women's volleyball tournament
MANILA, Philippines - Namumuro ang University of Perpetual Help System Dalta sa asam na titulo sa men’s at women’s NCAA volleyball nang walisin ang elimination round ng 87th season kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Inilabas ng Altas ang pormang naghatid sa koponan ng titulo sa 86th season para pataubin ang karibal na Arellano Chiefs sa apat na mahigpitang sets, 25-14, 22-25, 25-21, 25-19, patungo sa nangungunang 9-0 karta sa men’s division.
Ang Lady Altas ay mas naging mabangis sa Lady Chiefs nang iuwi ang 25-18, 25-20, 25-17 panalo para sa 9-0 sweep sa kababaihan.
“Masaya kami sa aming naabot sa elimination round. Pero hindi pa tapos ang laban dahil may semifinals pa at hindi dapat kami magkumpiyansa,” wika ni women’s coach Mike Rafael.
“One step at a time lang ang dapat naming gawin. Ang mahalaga ay naaabot namin ang aming target,” pahayag ng men’s coach Sammy Acaylar.
Tinapos naman ng Junior Altas ang kanilang laro sa 25-13, 25-23, 25-16, tagumpay sa Arellano para wakasan ang kampanya sa 6-1 karta.
Bukas magsisimula ang semifinals na isang round robin format at ang Lady Atlas ay mapapalaban sa Emilio Aguinaldo College, habang ang nagdedepensang San Sebastian ay masusukat sa Letran.
“So far so good,” ani Perpetual Help president at NCAA policy board chairman Anthony Tamayo.
- Latest
- Trending