MANILA, Philippines - Bubuksan ngayon ng NLEX at Cebuana Lhuillier ang kampanya pabalik sa finals sa pagharap sa magkahiwalay na katunggali sa pagsisimula ng semifinal round ng PBA D-League Aspirants’ Cup sa San Juan Arena.
Ang Road Warriors at Gems na inangkin ang unang dalawang puwesto matapos ang elimination round ay nagbabalak na itakda ang muling tagisan sa finals matapos magtuos sa Foundation Cup na dinomina ng tropa ni coach Boyet Fernandez.
Bitbit ang nangungunang 9-1 karta, ang nagdedepensang kampeon ay mapapalaban sa Big Chill sa tampok na laro na magsisilayan matapos ang unang laro sa ganap na alas-2 ng hapon sa pagitan ng Gems at Freego Jeans.
Dumaan sa mas mahirap na landas ang Superchargers at Jeans Makers dahil kinailangan nilang talunin ang Blackwater at Boracay Rum sa quarterfinals na nilaro noong nakaraang Huwebes.
Isa pang magpapataas sa kumpiyansa ng tropa nina Superchargers’ coach Arsenio Dysangco at Jeans Makers mentor Leo Austria ay ang katotohanang tinalo nila ang kanilang mga makakalaban sa natatanging pagkikita sa eliminasyon.
Umiskor ng 85-83 panalo ang Big Chill kontra sa NLEX, habang isang 71-66 tagumpay naman ang iniukit ng Freego Jeans laban sa Cebuana Lhuillier.
“Mabigat na kalaban ang Big Chill at physical kung sila ay maglaro. Kaya nananalig ako na handa ang mga bata sa ganitong laro at sana ay hindi maulit ang nangyari sa unang pagkikita,” wika ni NLEX coach Boyet Fernandez.
Matapos lasapin ang nasabing kabiguan ay kumuha ng walong sunod na panalo ang Road Warriors dahil na rin sa pagtutulungan nina RR Garcia, Calvin Abueva, Ian Sangalang, Garvo Lanete at Chris Ellis.
Sa mga subok nang manlalaro sa Adamson sa pangunguna nina Alex Nuyles, Janus Lozada at Lester Alvarez isinasandal ni Austria ang paghahabol sa puwesto sa finals.
Ipantatapat naman ni coach Luigi Trillo ang mga beteranong sina Vic Manuel, Kevin Alas, Terrence Romeo at Jai Reyes para mailapit sa isang panalo ang Gems patungo sa pagbalik sa finals.