TNT dinalawahan ang Powerade
MANILA, Philippines - Sa kabila ng paglalaro ni No. 1 overall pick JVee Casio, hindi pa rin napigilan ng Powerade ang nagdedepensang Talk ‘N Text sa pagpoposte ng 2-0 abante sa kanilang championship series.
Tinalo ng Tropang Texters ang Tigers, 102-96, sa Game Two ng 2011-2012 PBA Philippine Cup Finals kagabi sa Smart-Araneta Coliseum.
Nagbida sina 2011 PBA Most Valuable Player Jimmy Alapag, Ali Peek, Larry Fonacier at Ryan Reyes sa huling dalawang minuto ng final canto para sa 2-0 bentahe ng Talk ‘N Text sa kanilang best-of-seven championship showdown ng Powerade.
Ikinasa ng Tropang Texters ang isang 12-point lead, 92-80, sa ilalim ng huling walong minuto ng laro bago ang isang 13-2 atake nina Gary David, Romel Adducul at rookie Marcio Lassiter na nagdikit sa Tigers sa 93-94 agwat sa huling 2:53 nito.
Isang layup ni Fonacier mula sa isang broken play at three-point shot ni Alapag ang muling naglayo sa Talk ‘N Text sa 99-93 sa 1:19 nito. Ang basket ni Reyes mula sa kanyang sariling steal sa nalalabing 28 segundo ang nagbaon sa Powerade sa 101-93.
Samantala, muling ipaparada ng Barangay Ginebra si Chris Alexander para sa 2012 PBA Commissioner’s Cup.
Kinuha ng Talk ‘N Text si 6’11 Omar Samhan. Ang iba pang koponan na may import na ay ang Powerade (Dwayne Jones), Petron Blaze (Nick Fazekas), B-Meg (Denzel Bowles), Alaska Milk (Matt Haryasz) at Meralco (Jelani McCoy).
- Latest
- Trending