'Five-Peat' asam ng Ateneo sa 75th UAAP

MANILA, Philippines - Hindi malayong tu­mun­tong muli ng stage si Ateneo coach Norman Black sa susunod na taon pa­ra muling tumanggap ng parangal sa UAAP/NCAA Press Corps.

Sa idinaos na Collegiate Awards Night no­ong Sabado sa Gateway Suites sa Cubao, Quezon City, ibinunyag ni Black na ma­nanatiling solido ang line-up ng Blue Eagles pa­pasok sa 75th season.

Ang four-peat UAAP champions ay posibleng lumawig sa limang sunod da­hil babalik sa koponan ang higanteng si Greg Slaughter.

“This is my fourth straight year to receive this award at maraming sa­lamat po,” wika ni Black nang tanggapin ang parangal bilang Coach of the Year.

“Next year, we should be very good. Greg has de­cided to come back, Nico Salva will be back, Keifer Ravena will be back. Kirk Long and Bacon Austria will be gone but we have other players who will try to replace them and I hope Ryan Buenafe will also be back,” dagdag pa ni Black.

Kasamang tumanggap ng nasabing award si Frankie Lim ng San Beda na nagkampeon naman sa NCAA.

Nais din ni Lim na ma­palakas pa ang Red Lions ka­ya ngayon pa lamang ay sumasali na sila sa mga pre-season tournament at lu­malaro sa Sinulog Cup sa Cebu.

Nabilang naman si Ra­­vena sa Mythical team bukod pa sa pagkakapanalo ng SMART Most Valuable Player award.

Ibinigay kay Ravena ang SMART MVP dahil sa husay sa paglalaro at ang ginawang pagtulong sa mga nabiktima ng bagyong Sendong gamit ang charity game na ‘Fastbreak’.

Personal na tinanggap ni Anthony Tamayong Perpetual Help, ang special recognition.

Show comments