Higanteng manlalaro tuturuang maging pointguards

MANILA, Philippines - Pormal na gugulong ang pagtuklas sa mga mata­tangkad na manlalaro na tuturuan na maging point guard matapos isagawa ang paglulunsad ng Higanteng Magilas noong Huwebes ng gabi sa Global City.

 “Nararapat lamang na simulan ang proyektong ito dahil isa sa mga dahilan kung bakit hirap tayong manalo sa international basketball ay dahil sa maliliit ang mga pointguards natin. Hindi magiging madali ito at maaaring sampung taon pa bago natin makita ang isang 6’5 player na naglalaro ng pointguard kaya dapat ngayon ay may gawin na tayo,” wika ni Bert Lina na chairman ng Air21 na siyang magtataguyod sa programa.

Si coach Allan Gregorio ang siyang mangunguna sa programa at iikot siya sa iba’t’ ibang lugar sa Pilipinas para makahanap ng mga bata na matatangkad na sa­sanayin sa itatatag na point guard academy.

“Mga batang 8 hanggang 12 years old ang hahanapin natin pero yung mga malalaking players ngayon na na­­ririyan na ay tuturuan lamang natin na masanay na mag-dribble. Marami tayong talento at ang kailangan la­mang ay hanapin sila,” wika ni Gregorio.

Unang pagtutuunan ni Gregorio ay ang kasalukuyang ginaganap na National U16 Championship sa Baguio City bago tutulak sa Cebu para mag-scout.

Sumusuporta rin sa prog­rama ang Samahang Basketbol ng Pilipinas bukod pa sa mga kumpanya ni Manny V. Pangilinan na Maynilad, MVP Sports Foundation, Smart Sports, NLEX at Voit.

Show comments