MANILA, Philippines - Nauwi sa draw ang laro ni Filipino Grandmaster Oliver Barbosa kay Russian GM Andrei Deviatkin sa kanilang top board encounter matapos ang marathon 92 moves ng Slav defense para manatili sa liderato kasama si overnight co-leader GM John Paul Gomez sa eight round ng 10th Parsvnath International Open Chess Tournament 2012 kamakalawa sa Ludlow Castle Sports Complex, Civil Lines sa New Delhi, India.
Naka-draw rin si Gomez kontra kay GM Mark Paragua matapos ang 26 moves ng London System Opening sa Board 2.
Sina Barbosa at Gomez, ay kapwa nagtala ng tig-7 points, kalahating puntos ang angat kontra kina Paragua, Deviatkin at GM Evgeny Gleizerov ng Russia, IMs Das Debashis, Rathnakaran K at Shyam Nikil P ng India na may tig- 6.5 points.
Nakipag-draw si Gleizerov kay GM Abhijit Kunte ng India sa 19 moves ng Bogo-Indian defense, habang nakipaghati sa puntos si Debashis kay Rathnakaran sa 41 moves ng Modern Benoni defense.
Ginulat naman ni Nikil P si top seed GM Chanda Sandipan ng India (ELO 2628) sa 50 moves ng King’s Indian attack.
Yumukod si GM Richard Bitoon kay untitled Karthikeyan Murali ng India sa Board 27 at napako ang Medellin, Cebu native sa 4.5 points tungo sa paghulog sa 94th hanggang 135th place.
Sa ninth round, karibal ni Barbosa si Gleizerov sa Board 1, katapat ni Gomez si Nikil P sa Board 2, kasagupa ni Rathnakaran K si Deviatkin sa Board 3 at katapat ni Paragua si Debashis sa board 4. Kalaban naman ni Bitoon si Nasir Ali Syed ng India sa Board 48.