MANILA, Philippines - Nakitaan ng mas magandang teamwork ang San Miguel Beermen upang kunin ang 78-70 tagumpay sa AirAsia Philippine Patriots sa 3rd ASEAN Basketball League kagabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Naghatid ng 23 puntos at 11 rebounds si Dalron Johnson pero humugot siya ng magandang suporta kina Leo Avenido at bagong import Doug Thomas na tumapos taglay ang tig-14 puntos at ang Beermen ay nagkaroon lamang ng problema sa unang minuto ng unang yugto tungo sa pagsubi ng unang tagumpay sa dalawang laro sa liga.
“ We made adjustments in the second half of not turning the ball over. If we didn’t have so many turnovers in the first half, I think we could have gotten more points,” wika ni Beermen coach Bobby Ray Parks patungkol sa 16 errors sa laro, at 11 rito ay nangyari sa first half.
Isa pang ginawa ng Beermen ay ang magandang depensa laban kay Nakiea Miller na nalimitahan lamang sa 15 puntos at 7 rebounds matapos gumawa ng 24 puntos at 18 rebounds nang manalo ang inaugural champions sa Bangkok Cobras, 86-58, sa unang asignatura.
“Nakiea is a good player but that thing is we knew his game. We can’t stop his production but we can limit him,” ani pa ni Parks.
May 25 puntos si Anthony Johnson at ang dalawang tres ay nakatulong para hawakan ng Patriots ang 11-6 kalamangan.
Pero naglagak ng anim na puntos si Johnson habang lima pa ang ginawa ni Avenido at ang Beermen ay lumamang pa matapos ang yugto, 21-17.
Pinakamalaking kalamangan ng koponan ay sa 11 puntos na huling nangyari sa 63-52 sa tres ni Benedict Fernandez.
Sinikap ng Patriots na humabol sa paglarga ng 8-0 bomba para dumikit sa tatlo, 63-60, ngunit tumikada ng dalawang magkasunod na jumper si Johnson habang isang tres ang pinakawalan pa ni Avenido tungo sa 70-60 bentahe.
Kontrolado ng Beermen ang rebounding, 40-31, at nakatulong din ang mas magandang bench points, 33-25, sa pangunguna ni Avenido.