Pang-championship na ang Meralco
“CHAMPIONSHIP-caliber team na kami!”
Iyan ang bulalas ni Meralco Bolts team manager Virgil Villavicencio noong Huwebes ng gabi sa launching ng Higanteng Magilas Sports program ni Air21 head Bert Lina sa Don Ken restaurant.
Si Villavicencio ay isa sa mga panauhin sa okasyong iyon na dinaluhan ng maraming PBA at collegiate coaches. Layunin ng programa na pangangasiwaan ni Allan Gregorio na makadiskubre ng mga matatangkad na batang manlalaro na hahasain bilang pointguards. Susuyurin nila ang Luzon, Visayas at Mindanao para makahanap ng matitinding talents.
Well, ang pinatutungkulan naman ni Villavicencio ay ang kanyang koponang Meralco Bolts papasok sa PBA Commissioners Cup na mag-uumpisa sa Pebrero 10.
Sa deklarasyong ginawa niya, maraming sportswriters ang napakunot ng noo at nagtanong kung nakapagdagdag sila ng ibang manlalaro na magpapalakas sa team.
Ipinaliwanag ni Villavicencio na hindi naman players ang kanyang basehan sa pagsasabing championship-caliber team na ang Meralco.
“Nasa amin na kasi si coach Jong Uichico. So, kung bibilangin ang mga championships na napanalunan ng mga coaches namin, aba’y marami na iyon,” ani Villavicencio.
E, may katwiran nga si Villavicencio. Kasi nga, si Uichico ay nakapagbulsa na ng walong kampeonato bilang coach ng San Miguel Beer at Barangay Ginebra. Idagdag dito ang tatlo ng kanilang head coach na si Paul Ryan Gregorio at isa ng assistant coach na si Teodorico Fernandez III.
Isang dosenang kampeonato na iyon para sa coaching staff!
So, doon pa lang ay masasabi na isa sa mga winningest bunch of coaches ang nasa Meralco. Si Uichico kasi ay magsisilbi bilang team consultant ng Bolts habang wala pa ang Smart Gilas II.
Ani Uichico, na kasama sa umpukan n sportswriters, “Kinuha ako specifically as assistant coach ng Smart Gilas. Pero since wala pa naman ang team at hindi pa binubuo ang pool, sa Meralco muna ako as consultant.”
Anytime ay bubuuin na ang pool at makakabilang dito ang 16 players na ini-offer ng Philippine Basketball Association noong ni-launch nito ang 37th season. Pagkatapos ay dadagdagan ito ng mga manlalaro buhat sa Sinag Pilipinas na nagkampeon sa nakaraang Southeast Asian Games. Puwede ring kumuha ng ilang manlalaro buhat sa mga collegiate team.
Layunin ng Smart Gilas II na makakuha ng berth para sa World Basketball tournament sa 2014. Mas realistic ang goal na iyon dahil hindi isa kundi tatlong berths ang nakataya sa FIBA Asia tournament.
Pero habang wala pa nga ang Smart Gilas II ay sa Meralco muna itutuon ni Uichico ang kanyang panahon.
Walang pagbabago sa line-up ng Meralco at tanging si Uichico nga ang nagdagdag. Si Ryan Gregorio ay nagbalik na galing sa United States kung saan naghanap siya ng import. Nakuha niya ang 6-10 na si Jelani McKoy na nakapaglaro ng siyam na taon (1098-2007) sa NBA para sa Sonics, Lakers, Raptors, Cavaliers, Hawks at Nuggets.
Panibagong hamon ito kay Uichico kasi nasanay na nga ang lahat na bahagi siya ng San Miguel Corporation. Pero siyempre, hindi pa ganoong kabigat ang kanyang responsibilidad. Hindi naman siya head coach.
Pero tiyak na malaki ang kanyang maitutulong sa Bolts.
- Latest
- Trending