MANILA, Philippines - Mga manlalaro, coaches at iba pa na kuminang sa UAAP at NCAA ang kikilalanin sa gabing ito sa isusulong na Collegiate Basketball Awards sa Gateway Suites sa Cubao, Quezon City.
Handog ng mga mamamahayag sa iba’t ibang pahayagan at online publications ang kaganapang magsisimula sa ganap na alas-7 ng gabi at tampok sa bibigyan ng pagkilala ay si Kiefer Ravena ng Ateneo.
Kasama ng Mythical team si Ravena bukod pa sa pagtanggap bilang SMART Most Valuable Player Award dahil sa ipinakitang magandang ehemplo sa loob at labas ng court.
Makakasama ni Ravena ang mga teammates sa Ateneo na sina Greg Slaughter, Nico Salva, Kirk Long at Emman Monfort na tatanggap ng parangal.
Si Slaughter ay kasama sa Mythical team, si Salva ang Pivotal Player, si Long ang Deffensive Stopper at si Monfort ang Maynilad Super Senior.
Ang mga champion coach na sina Norman Black ng Ateneo at Frankie Lim ng San Beda ang bibigyan ng Coach of the Year awards habang ang San Sebastian College ang gagawaran ng Distinction for Excellence nang manalo sa Philippine Collegiate Champions League.
Ang iba pang kikilalanin ay sina Calvin Abueva ng San Sebastian, Garvo Lanete ng San Beda at Bobby Ray Parks Jr. ng National University sa Mythical Team, Dave Marcelo ng Red Lions bilang Pivotal Player, RR Garcia at Aldrech Ramos ng FEU bilang Court General at Mr. Efficiency, Kevin Alas ng Letran bilang Energy Player at University of Perpetual Help president Anthony Tamayo sa pagtulong sa kabataan sa pamamagitan ng sports.