MANILA, Philippines - Si Chot Reyes ang huling coach na gumiya sa Coca-Cola, ngayon ay Powerade, sa kampeonato noong 2003 PBA Reinforced Conference bago lumipat sa San Miguel at Talk ‘N Text.
Kaya naman malapit sa kanyang puso ang mga Tigers.
“That team has a special place in my heart.,” sabi ni Reyes sa Powerade, tumalo sa Rain or Shine, 4-3, sa kanilang best-of-seven semifinals series. “A lot said it’s gonna be easy for Rain or Shine, but look what happened. We’re in the finals and can’t be happy. We have to be ready for Powerade.”
Magtatagpo ang nagdedepensang Talk ‘N Text at Powerade ngayong alas-6:30 ng gabi sa Game One ng 2011-2012 PBA Philippine Cup Finals sa Sports, Cultural & Business Center of Davao del Sur sa Digos City.
Kagaya ng Tigers, winakasan rin ng Tropang Texters ang kanilang semifinals showdown ng Petron Blaze Boosters sa 4-3 matapos bumangon mula sa isang 1-3 pagkakabaon.
Ang Talk ‘N Text ang ikatlong koponan na nakabawi mula sa isang 1-3 pagkakaiwan para kunin ang serye matapos ang Barangay Ginebra at Purefoods.
Binigo ng Gin Kings ang Shell Turbo Chargers, 4-3, sa finals ng 1991 Fiesta Conference at tinakasan ng TJ Hotdogs ang Aces, 4-3, sa semifinals ng 2006 Philippine Cup.
Nasa isang ‘magical run’ ngayon ang Powerade ni Bo Perasol makaraang sibakin ang No. 1 B-Meg, nagbitbit ng ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals, at Rain or Shine sa semifinals.
“Key for us was getting those people who can win for us,” sabi ni Perasol sa kanyang Tigers. “We don’t have a magical system. We have players who are winners in their heart.”
Sina Gary David, No. 1 overall pick JVee Casio at rookie Marcio Lassiter ang muling aasahan ng Powerade.