MANILA, Philippines - Sisimulan ngayon ang 87th NCAA soft tennis competition at ang host University of Perpetual Help System Dalta ang siyang napapaboran na magkampeon sa torneo.
Sa Las Piñas Campus ng Perpetual Help bubuksan ang aksyon at si league president at policy board chairman Anthony Tamayo ang mangunguna sa maigsing seremonya na magsisimula ganap na alas-7:30 ng umaga.
Ang host school ay ipaparada sina Joana Jean Carnay, Kezyl Ann Macias, Elizabeth Moran at Noreen Subol sa hangaring madomina ang larong itinalaga bilang demonstration sport.
“This is a sport we know that we have a strong chance of performing and we wish not just our team luck but the rest of the schools as well,” ani Tamayo.
“We’re hoping to do good this year and hopefully we’ll have a strong chance of battling for the title,” segunda naman ni Perpetual coach Samuel Noguit.
Samantala, namumuro naman ang Perpetual na magkaroon ng magarang pagtatapos sa larong volleyball dahil ang mga inilahok ay nasa itaas o ikalawang puwesto sa magkakaibang dibisyon.
Ang Lady Altas ay hindi pa natatalo matapos ang pitong laro habang ang Altas na siyang nagdedepensang kampeon ay kasalo ng Arellano University sa liderato sa 6-0 baraha.
May 4-1 karta naman ang Junior Altas upang malagay sa ikalawang puwesto kasunod ng walang talong Emilio Aguinaldo Brigadiers.
“We’re on track and the school is proud of them,” dagdag pa ni Tamayo.