MANILA, Philippines - Isusulong na sa buwan ng Pebrero ang pagdinig para sa Senate Bill no. 3092 na naglalayong magtatag ng Department of Sports na siyang papalit sa kasalukuyang gawain ng Philippine Sports Commission.
Ayon sa may akda ng Senate Bill na si Senator Antonio Trillanes IV na siya ring chairman ng Senate Commission on amateur sport, kikilos na ang Senado at Kongreso upang maisabatas ito bago matapos ang taong kasalukuyan dahil ito ang kailangan ng Pilipinas para muling umunlad ang palakasan ng bansa.
Nagkaroon na rin ng inisyal na pag-uusap ang Senador at Pangulong Benigno Aquino at naipaliwanag na niya ang kahalagahan na magkaroon ng sariling departamento ng sports na maililinya na isang cabinet level.
“Na-file na ito and we will start deliberation it next month. Ang mangyayari ay ie-elevate ang PSC at iba ang kanyang magiging mandato. Aalisin natin ang impluwensya na nanggagaling sa POC para mas makagawa sila ng maayos na hakbang para sa Philippine Sports,” wika ni Trillanes.
Ang mga kaalyadong Kongresista ang kakausapin din ni Trillanes para sabay na maipasa ito sa Mababang Kapulungan at kapag nangyari ay ididiretso na sa Pangulo para mapirmahan bago matapos ang taon.
Samantala, hinamon naman ni Trillanes si John Rex Tiu sa isang halalan sa Pebrero para matapos na ang problema sa liderato sa Table Tennis Association of the Philippines (TATAP).
Ayon kay Trillanes, holdover lamang ang puwestong inookupahan nila ni Tiu dahil sinisilbihan lamang nila ang terminong iniwan ng nagbitiw na pangulong si Col. Cesar Binag.
Tumungo sa PSC chairman’s office si Trillanes kasama ang kanyang board at ilang atleta at napapayag sa suhestiyong ibinato ni Commissioner Jolly Gomez na magsagawa ng iisang eleksyon na magdedetermina kung sino ang dapat na maupo bilang TATAP president.
“Pumayag na kami na magkaroon ng eleksyon at sa PSC na mismo ito gawin. Iimbitahan din namin ang POC para mag-observe. Ang ibang grupo na nag-claim ng leadership ay dapat dumating din at kung siya ang piliin ng stakeholders, tatanggapin ko. Pero kung ano ang manalo, dapat wala ng hadlang para kilalanin ako,” ani pa ng Senador.
Bago tanggapin ang suhestiyon ay nagpakita muna si Trillanes kay PSC Chairman Ricardo Garcia ng mga court cases na isinampa laban kay Tiu at ang SEC Registration na kung saan ang kanyang grupo ang lehitimong nakarehistro.