MANILA, Philippines - Sisikaping ulitin ng Big Chill at Freego Jeans ang panalong naunang kinuha sa Blackwater at Boracay Rum sa pagbubukas ng PBA D-League Aspirants’ Cup quarterfinals ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Unang bakbakan ay sa pagitan ng Superchargers at Elite sa ganap na alas-2 ng hapon at Jeans Makers at Waves dakong alas-4 at kung mangibabaw ang Big Chill at Freego ay aabante na sila sa semifinals.
Dahil tinapos ang single round elimination sa ikatlo at ikaapat na puwesto sa iisang 7-3 baraha, hawak ng Superchargers at Elite ang twice to beat advantage sa katunggali para mas madaling mapagtagumpayan ang planong samahan ang mga semifinalists ng NLEX (9-1) at Cebuana Lhuillier (8-2).
Pero, hindi dapat magkumpiyansa ang tropa ni coach Arsenio Dysangco at coach Leo Austria dahil makakatiyak silang bibigyan ng magandang laban ng Elite at Waves para maihirit ang rubber match.
“Ibang Elite ang makakaharap namin. Ang mga nangyari sa elimination round ay walang halaga na kaya dapat ay mapanatili namin ang intensity kung gusto naming umabot sa semifinals,” wika ni Dysangco.
Ang Elite ay papasok sa laban mula sa 65-48 pagdurog sa RnW Pacific Pipes para makuha ang ikaanim at huling puwesto na aabante sa playoffs.
“Kinailangan naming dumaan sa mahirap na laro para maabot itong puwesto. Nakikita ko ang dating tuwa ng mga players ko sa game at ito ang aking sinasandalan na bibitbitin nila sa quarterfinals,” wika ni Elite coach Leo Isaac.
Di hamak na mas malakas ang puwersa ng Jeans Makers sa Waves dahil sa pagkakaroon ng core players mula sa Adamson sa pangunguna nina Lester Alvarex at Alex Nuyles.
Ngunit handa naman ang tropa ni coach Lawrence Chongson na harapin ang hamong ito tulad ng kanilang ipinakita nang talunin ang PC Gilmore, 71-41, na nagtiyak ng puwesto sa quarterfinals.
“Whoever wants it more will and I believe we are ready,” wika ni Chongson.