Elite pasok sa quarters
MANILA, Philippines - Ginamit ng Blackwater Elite ang nagbabagang laro sa ikatlong yugto upang talunin ang RnW Pacific Pipes, 65-48, sa pagtatapos ng PBA D-League Aspirants’ Cup elimination round kahapon sa SanJuan Arena.
Isinantabi ng Elite ang matinding hamon ng Steelers sa first half nang nagpasabog ng 9 sa kabuuang 11 second half points si Isiah Ciriacruz para pangunahan ang 25-11 palitan at bigyan ang koponan ng komportableng 51-32 bentahe patungo sa huling 10 minuto ng bakbakan.
Ang panalo ay ikalima sa 10 laro ng Elite at nagtulak sa koponan para kunin ang ikaanim at huling puwesto na aabante sa playoff.
Naunang tinapos ng nagdedepensang NLEX ang kampanya ng Cafe France sa pamamagitan ng 107-89 tagumpay sa unang laro.
Si RR Garcia ay mayroong 25 puntos at 14 rito ay ginawa sa ikatlong yugto para pagningasin ang 35-15 palitan upang ang 49-45 halftime kalamangan ay naging 84-60 bentahe.
“Masuwerte pa rin kami dahil binaligtad ang panalong nakuha ng Cobra sa amin. Masaya dahil umabot pa kami sa quarterfinals at sana ay natuto na ang mga players ko at mag-iba na ang larong kanilang ipakikita,” wika ni Elite coach Leo Isaac na binuksan ang kampanya tangan ang 3-0 karta.
Kakaharapin ng Elite ang pumang-apat na Big Chill habang ang pumangatlong Freego Jeans at pumanglimang Boracay Rum ang magtutuos sa quarterfinals na kung saan ang Super Chargers at Jeans Makers ay nagtataglay ng twice-to-beat advantage.
Ang NLEX na tinapos ang laban tangan ang walong sunod na panalo tungo sa nangungunang 9-1 baraha at Cebuana Lhullier (8-2) ay diretso nang nakapuwesto sa semifinals.
- Latest
- Trending