Guarte bumandera sa 'Takbo para sa Edu-Misyon'
MANILA, Philippines - Pinangunahan ni SEA Games silver medalist Mervin Guarte ang mga nanalo sa idinaos na Stags Run 2 kahapon sa ASEANA City sa Macapagal Boulevard.
Isa ring mag-aaral ng San Sebastian College, ipinakita ni Guarte ang pormang nagbigay sa kanya ng pilak sa 800-meter at 1,500m events sa Indonesia noong nakaraang Nobyembre nang kunin ang oras na 10:36.52.
Halos dalawang minuto ang inilayo niya sa pumangalawang si Loemar Caspile (12:39.87), habang ang ikatlong puwesto ay napanalunan ng beteranong runner na si Jujet De Asis (12:47.51).
Bumaba naman si Mercedita Manipol-Fetalvero mula sa dating pinagreynahang 10K tungo sa 5K distansya at dinomina niya ito sa 14:23.08 tiyempo.
Ang pangulo ng San Sebastian na si Fr. Anthony Morillo, OAR, ang siyang nagpaputok ng starting gun upang simulan ang karerang nilahukan ng mahigit na 5,000 runners na nakiisa sa ‘Takbo para sa Edu-Misyon’ proyekto ng nasabing paaralan.
Ang perang kikitain ay ilalaan upang itulong sa edukasyon ng mga maralita sa Puerto Princesa at sa South Africa.
Inangkin naman ni Elmer Sabal ang titulo sa men’s 10-k nang daigin sa rematehan ang dating kampeon na si Justin Tabunda.
Kumalas si Sabal sa huling 3-kilometro upang solong tumawid sa meta sa 21:57.75 tiyempo laban sa 22:16.55 ni Tabunda.
Si Cinderella Lorenzo ang namayani sa kababaihan sa 27:13.83, habang ang iba pang nagsipanalo ay sina Ferdinand Corpus (6:39.46) at Michelle De Vera (7:48.48) sa 3k karera.
Nanguna sa hanay ng mga atleta ng Baste si Gilbert Bulawan, habang sinaksihan din ang patakbo nina organizing committee chairman Fr. Christopher Maspara, OAR, at Stags Athletic Director Frank Gusi.
- Latest
- Trending