MANILA, Philippines - Hindi ganoon kadaling manalo sa ASEAN Basketball League (ABL).
Ito ang itinuro ng Westports Malaysia Dragons sa expansion team at pre-season champion San Miguel Beermen nang kunin ng una ang 83-77 panalo sa overtime sa 3rd ABL season kahapon sa MABA Gym sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Nagtala ng 28 puntos si Tiras Wade, habang 26 puntos at 23 rebounds ang ibinigay ni Brian Williams ngunit sa extension ay ang mga Filipino imports na sina Chris Pacana at Nic Belasco ang kanilang sinandalan para tapusin ang hininga ng bisitang koponan.
Tig-apat na puntos ang ginawa nina Pacana at Belasco, dating naglaro sa San Miguel Beer sa PBA, upang mailarga ng Dragons ang 10-4 palitan sa extra period.
Ang tagumpay ay nagtulak sa Dragons na hawak ni Filipino coach Ariel Vanguardia sa pagsalo sa liderato sa Phl Patriots, habang nalaglag sa 0-1 karta ang Beermen.
May 17 puntos si Darlon Johnson pero hindi naging produktibo ang katambal na si Richard Jeter na nalimitahan lamang sa 11 puntos.
Tumapos si Belasco na may 6 marka.
Malaysia Dragons 83 – Wade 28, Williams 26, Pacana 7, Belasco 6, Kuppusamy 5, Cabahug 4, Shee 4, Batumalai 3, Li 0.
San Miguel Beermen 77 – Johnson 17, Jeter 11, Fernandez 8, Fajardo 8, Dela Peña 6, Baguion 6, Cabatu 6, Avenido 6, Rizada 5, Basco 4, Luanzon 0.
Quarterscores: 23-25; 35-42; 59-57; 73-73; 83-77 (OT).