Patrombon, Reyes napatalsik sa F1 Futures event
MANILA, Philippines - Nakawala kina Jeson Patrombon at Marc Reyes ang mahalagang kalamangan sa second set dahilan upang magwakas na ang kampanya sa F1 Futures sa Eilat, Israel sa tinamong 2-6, 5-7 kabiguan kina Jean Andersen at Ruan Roelofse ng South Africa.
Sinikap nina Patrombon at Reyes na maitabla ang laro sa second set at namuro nang hawakan ang 5-4 bentahe.
Pero lumamya ang larong naipakita sa sumunod na tatlong game para mabigong makaabante sa unang pagkakataon sa finals sa men’s doubles.
Bigo man ay taas noo pa ring lilisanin ng dalawang Filipino netters ang torneo dahil umani sila ng mahalagang ATP points matapos ang pag-usad sa semifinals sa unang pagkakataon sapul nang nagsanib-puwersa noong nakaraang taon.
Sasali pa rin ang dalawa sa F2 na gagawin sa linggong ito sa nasabi ring lugar pero pareho silang dadaan sa qualifying round para makapasok sa main draw sa men’s singles.
Si Patrombon ay naunang napasok agad sa main draw sa F1 at nakaabot ng second round bago nasibak.
Handa naman sina Patrombon at Reyes na harapin ang hamon ng ibang qualifiers para mas humusay sila bilang paghahanda sa sunod na malalaking torneo.
- Latest
- Trending