OAKLAND, Calif. — Sa paghakot ni Dwight Howard ng mga fouls sa isang record-setting fashion, nakuntento na lamang Orlando Magic coach Stan Van Gundy na nakaupo sa kanyang silya at ihinto ang pagbibigay ng plays.
Sinira ni Howard ang 50-year-old NBA record ni Wilt Chamberlain para sa pinakamaraming freethrow attempts sa isang laro mula sa kanyang 21-of-39 clip para ihatid ang Orlando Magic sa 117-109 panalo kontra sa Golden State Warriors.
Sinadyang bigyan ng Warriors ng foul si Howard sa kabuuan ng laro bilang kanilang estratehiya.
Nagposte si Chamberlain, iniidolo ni Howard kung saan may photo clipping pa siya sa kanyang Orlando locker, ng 34 freethrows para sa Philadelphia Warriors laban sa St. Louis noong Pebrero 22, 1962.
Tumapos si Howard na may 45 points at 23 rebounds, habang may 20 points si Hedo Turkoglu para sa ikatlong sunod na ratsada ng Magic.
Ito ang unang pagkakataon na may player na humakot ng 40 points at 20 rebounds sa isang laro matapos si Shaquille O’ Neal — isa ring poor freethrow shooter kagaya ni Howard — na naglista ng 48 points at 20 rebounds kontra sa Boston Celtics noong Marso 1, 2003, ayon sa STATS LLC.
“I just tried to be aggressive and get to the line. I didn’t care if I missed 30,” ani Howard. “I was still going to go up there and shoot the next one with confidence.”
Nagtala naman si Monta Ellis ng 30 points at 11 assists para sa Warriors kasunod ang 26 points at 12 boards ni David Lee.
Sa iba pang laro, tinalo ng Atlanta ang Charlotte, 111-81; ginapi ng Memphis ang New York, 94-83; binigo ng Milwaukee ang Detroit, 102-93; at pinayukod ng Cleveland ang Phoenix, 101-90.