PSC nag-alok ng P30m para sa 6 Olympians
MANILA, Philippines - Bagamat nagrereklamo sa kakapusan ng kanilang pondo, nag-alok ang Philippine Sports Commission (PSC) ng P30 milyon sa Philippine Olympic Committee (POC) para sa pondo ng anim na national athletes na sasabak sa 2012 Olympics Games sa London.
Ngunit hindi ito tinanggap ni Manny T. Lopez, ang vice-president ng POC at Chef De Mission ng delegasyon na magtutungo sa London Games na nakatakda sa Hulyo 27 hanggang Agosto 12.
“I think that’s more than enough,” wika kahapon ni Lopez. “Ako, being a former president of the amateur boxing association, ako po ay naniniwala na talagang the government sports agency alone will have a hard time.”
Ang P30 milyon na inialok ng PSC sa POC ay kasing halaga ng pondong inilaan para sa halos 600 delegasyong inilahok sa nakaraang 26th Southeast Asian Games sa Indonesia kung saan tumapos ang bansa bilang sixth placer.
Nilinaw ni Lopez na may matatanggap silang pondo mula sa London Olympic Games Organizing Committee (LOGOC) na siya nilang ipanggagastos sa anim na atleta sa 2012 Games.
Sakaling anim lamang na atleta ang maipadala sa London Games, ito na ang magiging pinakamaliit na delegasyon ng bansa matapos ang 12 noong 1996 sa Atlanta, USA kung saan sumuntok ng silver medal si light flyweight Mansueto ‘Onyok’ Velasco, Jr.
Samantala, hanggang ngayon ay tanging si amateur boxer Mark Anthony Barriga pa lamang ang may formal notification mula sa AIBA, ang international boxing federation, para makalaro sa 2012 Olympic Games sa London sa Hulyo.
- Latest
- Trending