Casual sa PSC, Kawawa naman!
Harapin na natin ang katotohanan.
Malabong matuloy ang laban nina Floyd Mayweather Jr. at Manny Pacquiao.
Nagkapag-asa sana ang mga panatiko ng naturang laban matapos na iurong ng US judge ang pagsisilbi ni Floyd ng kanya ng 90-day jail sentence para sa guilty plea (domestic violence case) sa Hulyo 1 upang matupad umano ng boksingero ang obligasyon para sa Cinco de Mayo fight sa hindi pa naman pinangalanang kalaban.
Sa ruling ni Justice of Peace Melissa Saragosa na sinaksihan ng mga tagasuporta ni Mayweather tulad ni rap star Lil’ Kim at R&B artist Ray J sa courtroom, habang ang boksingero ay nasa kabilang gusali at doon naghintay kung sisimulan na ba niya ang three-month sentence na ibinaba ng judge noong nakaraang buwan sanhi ng pananakit sa ex-girlfriend sa harap ng kanilang mga anak noong Setyembre 2010.
Humiling si Maywather sa pamamagitan ng kanyang mga abogado na ipagpaliban ang sentensya ng boksingero upang makapag-ensayo ito para sa May 5 date na ini-reserve umano ng kanyang promoter sa MGM Arena sa Las Vegas.
Hindi naman malinaw ngayon kung sino ang makakalaban ni Mayweather, basta’t ang sinabi ng kanyang adviser na si Leonard Ellerbe ay isang ‘mega fight’ ang paghahandaan ng boksingero.
At dahil nga sa pagkaurong ng jail term ni Mayweather, marami ang nag-iisip na marahil ay matutuloy ang laban ng undefeated American kay Filipino ring icon Manny Pacquiao.
Pero mismong si Top Rank promoter Bob Arum ang nagsabing malabo nang maganap sa Mayo ang laban at kung matuloy man sa katapusan na ng 2012 ito. In short…Malabo na talaga.
***
Kaawa-awa ang mga ilang casual na empleyado sa Philippine Sports Commission (PSC) na matagal nang naglilingkod sa naturang ahensya ng gobyerno. Karamihan sa mga nagtatrabaho kasi ngayon sa PSC ay mga casual. Kumabaga ang ratio o dami ng regular na empleyado sa casual ay 1 is to 4.
Sa ngayon kasi ay nasa “streamlining” ang PSC. Isa ito sa mga direktiba ng administrasyon ni PNoy. Pero kahit na nga matagal na ang mga empleyadong ito sa PSC, hindi nila akalain na darating ang ganitong panahon na mawawalan sila ng trabaho. Ang mga casuals na ito ay yaong mga maliliit na empleyado lamang tulad ng messenger, clerk, at iba pa. Yung mga humahawak kasi ng matataas na posisyon ay consultant ang tawag (pero marami pa rin nito ang PSC).
Hiling nila sa pamunuan ng PSC, magkaroon ng puso na bigyan sila ng sapat na panahon upang makapaghanda o maghanap man lamang ng bagong trabaho.
Oo nga naman, kahit naman ang mga empleyado sa pribado ay binibigyan ng at least isa o dalawang buwan upang makapaghanda sa transisyong ito.
- Latest
- Trending