MANILA, Philippines - Wala na sa Barangay Ginebra ang kanilang coach na si Joseph “Jong” Uichico.
Si Uichico ay pinahintulutan na ng Barangay Ginebra na mapabilang bilang isa sa mga coaches ng men’s basketball team na magbabaka-sakaling masama sa world basketball.
May dalawang titulo na naibigay si Uichico sa Barangay Ginebra bukod pa sa anim sa San Miguel Beer sa halos 10 taong paninilbihan sa dalawang koponan.
Hindi naman bago na para sa beteranong mentor na dating naglaro rin sa national team sa pamamagitan ng Northern Cement, ang pagtulong sa national team dahil noong 2002 ay siya ang umupong head coach sa koponang tumapos sa pang-apat na puwesto sa Busan Asian Games.
Matapos manilbihan sa Northern Cement sa ilalim ni coach Ron Jacobs, lumipat siya sa San Miguel noong 1999 para maging head coach at nagkampeon agad sa Commissioners at Governors Cup para wakasan ang limang taong kawalan ng titulo.
Bago binitiwan, si Uichico at Siot Tanquincen ang nagtulong sa Barangay Ginebra sa huling conference.
Naghahanap ng mga pool of coaches para sa men’s team na kilala rin bilang Smart Gilas Pilipinas dahil tinanggal na si Serbian coach Rajko Toroman matapos mabigo sa adhikain na maipasok ang Pilipinas sa 2012 London Olympics.
Ang dating national coach na si Chot Reyes bukod pa kina Norman Black at Tim Cone ang ibang pangalan na sinisilip para humawak sa Gilas.