MANILA, Philippines - Naipakita ng mga inaasahang player ang larong hanap sa kanila upang wakasan ng Freego Jeans ang kampanya sa PBA D-League Aspirants Cup elimination round bitbit ang 93-55 panalo laban sa RnW Pacific Pipes kahapon sa Cuneta Astrodome.
Magandang shooting ni Alex Nuyles at team work ang naipamalas ng Jeans Makers para hindi papormahin ang Steelers at tapusin ang dalawang dikit na kabiguan patungo sa 7-3 karta.
Nagbagsak ng 17 puntos si Nuyles at 11 rito ay ginawa niya sa first half para tulungan ang tropa ni coach Leo Austria na makalayo sa 48-26.
Nagdagdag ng 13 puntos si Christopher Sumalinog, habang may 11 si Lester Alvarez.
May tig-5 assists sina Alvarez at Nuyles para bigyan ng 25 assists ang kanilang koponan.
“Maganda ang ipinakita ng mga players ko dahil determinado silang bumangon matapos matalo sa Café France. Mahalaga ito dahil may winning momentum kami papasok sa next round,” wika ni Austria.
Nakatiyak na ng ‘twice- to-beat’ sa quarterfinals, ang panalo ay nagbigay buhay pa sa paghahabol ng koponan sa awtomatikong semis seat na mangyayari kung matatalo sa huling dalawang laro ang NLEX (7-1).
Sinorpresa naman ng talsik nang Cobra Energy Drink ang wala sa pormang Blackwater sa pamamagitan ng 72-63 panalo sa unang laro. (ATan)
Freego Jeans 93 – Nuyles 17, Sumalinog 13, Alvarez 11, Camson 9, Cabrera 9, Apinan 8, Lozada 7, Monteclaro 4, Brondial 4, Rios 3, Austria 2, Lopez 2, Manyara 0, Elinon 0.
Pacific Pipes 55 – Ilagan 20, Miranda 15, Sanvictores 7, Racal 7, Dela Cruz 2, Del Rio 2, Vitug 2, Buensuceso 0, Delgado 0, Marquez 0, Importante 0, Zulueta 0, Semira 0, Antonio 0.
Quarterscores: 20-14; 48-26; 66-34; 93-55.