Freego Jeans puntirya ang 'twice-to-beat' advantage
MANILA, Philippines - Sa paglabo ng tsansang makuha ang awtomatikong semis berth, pupuntiryahin ng Freego Jeans ang ikalawang pinakamagandang opsyon sa pagbangga sa RnW Pacific Pipes sa PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
May 6-3 karta ang Jeans Makers at ang makukuhang panalo sa larong itinakda sa alas-2 ng hapon ay magtitiyak sa tropa ni coach Leo Austria ng ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals.
Kailangan rin ng Freego Jeans na manalangin na matalo sa huling dalawang laro ang nagdedepensang NLEX para magkaroon ng playoff.
Nanggaling sa talo ang RnW (4-4) ni coach Topex Robinson. At dahil dito ay kailangan nilang maipanalo ang nalalabing dalawang laro para makaiwas na masibak.
Paiinitin ng Blackwater ang malamig na kampanya sa pagharap sa talsik nang Cobra Energy Drink sa alas-12 ng tanghali.
Matapos ang tatlong dikit na panalo ay bumagsak ang Elite (3-4) ni coach Leo Isaac sa sumunod na apat nilang laban.
- Latest
- Trending