MANILA, Philippines - Nasaksihan agad ang agresibong pagpapalakas ng National University nang kunin ng Bulldogs ang 3-2 panalo sa nagdedepensang University of Santo Tomas sa pagbubukas ng 74th season ng UAAP men’s tennis kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Sina Leander Lazaro at Tim Polero ang nagtuwang upang makuha ng Bulldogs ang unang panalo sa deciding doubles nang manaig laban kina Jake Basilad at Bernardine Bering, 6-1, 7-5.
Naunang nakalamang ang UST nang kunin ni Ralph Barte, ang MVP ng nagdaang season, ang 6-0, 6-0, tagumpay laban kay AlKhady Jainul pero itinabla nina Al Michael Madrid at Dheo Talatayod ang laban sa 1-1, gamit ang 6-3, 6-2, tagumpay laban kina Gerald Pinili at Ryan Montalbo.
Binawi ng Tigers ang kalamangan nang nagretiro sa second set si Wilson Oblea tungo sa 6-3, 5-1 (ret) panalo ni Lou Bering bago humirit si Fritz Verdad kay Arn Procianos, 6-1, 7-5, sa fourth game sa best-of-five tie.
Ang panalo ng NU na siya ring kampeon sa idinaos na UniGames noong nakaraang taon sa Roxas City, ay nagbigay rin ng unang tagumpay para kay coach Karl Santamaria.
Si Santamaria ang dating head coach ng Tigers at naupo sa loob ng 10 taon at naghatid ng anim na titulo.
Sa iba pang laro, nanalo ang UP sa Ateneo, 4-1, para makasalo sa liderato sa NU.
Magpapatuloy ang laro ngayon sa pagsalang ng nagdedepensang women’s champion La Salle laban sa UST sa ganap na alas-12 ng tanghali.
Si Reggie Santiago ang mangunguna sa Lady Archers na balak kunin ang ikatlong sunod na titulo sa kanilang dibisyon.
Magpapatuloy din ang laro sa volleyball sa The Arena sa San Juan at magtatagisan sa men’s division ang NU at UE sa ganap na alas-9 ng umaga at UST at FEU dakong alas-10:30 habang ang UP at UE at nagdedepensang La Salle at tinalong UST ang magbabakbakan sa kababaihan mula alas-2 ng hapon.