MANILA, Philippines - Inaasahang manunumbalik ang tikas ng track and field athletes kapag natuloy ang plano sa kanila ng Philippine Sports Commission (PSC).
Ang problema sa kawalan ng training facility ay mareresolbahan sa taong ito dahil balak ng PSC na ayusin ang oval na matatagpuan sa Ultra sa Pasig City.
Ang venue rito ang siyang ilalaan lamang para sa athletics habang ang larong football ay ilalagay na lamang sa Rizal Memorial Track and Football Stadium.
“Kung hindi natin hahanapan ng paraan ay mawawalan talaga ng venue ang athletics at pinatay natin ang sport na big source of medals sa mga international tournaments,” wika ni PSC chairman Ricardo Garcia.
Hindi na nakakapagsanay ang atleta sa field events sa Rizal Memorial dahil inaayos ang field upang maging angkop sa standard ng football.
Ang pangyayari ay nakaapekto sa kampanya ng Pilipinas sa 26th SEA Games dahil ang mga dating kampeon na sina Arniel Ferrera sa hammer throw, Josie Villarito at Danilo Fresnido sa javelin throw ay nabigo sa hangaring manatiling kampeon sa kanilang events.
Nakipag-ugnayan na rin ang PSC sa Philippine Football Federation (PFF) at nagkasundo na ang planong pagpapagawa ng synthetic field sa Ultra ay hindi na itutuloy at sa halip ay gagawin na lamang ito sa Rizal Memorial Field.
“Ang FIFA naman ang gagastos dito at ang mangyayari ay aalis ang grass at irrigation at papatungan na lamang ng artificial turf. Ang mangyayari ay lahat ng laro sa football ay sa Rizal na gagawin at pumayag na rin ang La Salle dito,” paliwanag pa ng PSC chairman.
Maghahanap ang PSC ng supplier ng rubberized track oval sa China na kanilang bibisitahin sa Pebrero upang palitan ang sira-sira nang oval.
Malaki umano ang matitipid kung sa China bibili dahil P20 milyon ang ibinigay na presyo rito kumpara sa P40 milyon kapag kumuha sa Europa.