MANILA, Philippines - Magkakasubukan ngayon ang pinagsamang lakas ng Philippine Azkals at mga stars ng United Football League laban sa bisitang CF Internacional de Madrid sa charity game na lalaruin sa Rizal Memorial Football Stadium.
Tinaguriang “Dili kamo nag-iisa”, ang tagisang mapapanood mula alas-4 ng hapon ay naglalayong mangalap ng pondo para itulong sa mga nasalanta ng bagyong Sendong sa Mindanao.
Ganito man ang layunin ay todo laro ang matu-tunghayan sa magkabilang panig na nais na magpasiklaban sa kung sino ang mas mahusay kung paglalaro ng football ang pag-uusapan.
Club team ang bisitang koponan ngunit idineklara na ng kanilang opisyales na hindi sila patatalo dahil bitbit nila ang mataas na reputasyon ng Spain kung football ang pag-uusapan.
Kahapon lamang dumating ang bisitang koponan bagay na maaring kapitalisahin ng Azkals para makuha ang panalo.
Sina strikers Phil Younghusband, Ian Araneta at Nate Burkey, central midfielder na Phil-Spanish Angel Guirado, midfielders Chieffy Caligdong at goal keeper Eduard Sacapano na kasapi ng Azkals at sariwa sa paghamon sa LA Galaxy noong Disyembre, ang mangunguna sa pambansang koponan.
Ang mga tiningalang manlalaro sa Spanish league na sina Rufino Sanchez at Julian Bautista ang babandera naman sa bisitang koponan.
Ang laban ay maihahatid ng live sa Studio 23 habang ang Philippine Red Cross ang siyang beneficiary sa makukuhang pondo.