MANILA, Philippines - Inaasahang magiging hitik sa aksyon ang banggaan nina Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. at Wilfredo Vazquez, Jr. sa Pebrero 4 sa Alamadome sa San Antonio, Texas.
“I know that Vazquez Jr., not only is he a good person -- a great guy -- but I know that he comes out there to fight,” sabi ni Donaire sa kanilang press conference kahapon.
Nakatakdang pag-agawan ng 29-anyos na si Donaire at ng 27-anyos na si Vazquez ang bakanteng World Boxing Organization (WBO) super bantamweight belt.
Tangan ni Donaire, nagkampeon sa flyweight division ng International Boxing Organization (IBO) at International Boxing Federation (IBF), ang kanyang may 27-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 18 KOs kumpara sa 21-1-1 (18 KOs) slate ni Vasquez.
Nagmula si Donaire mula sa isang matagumpay na pagtatanggol sa kanyang mga bitbit na World Boxing Council (WBC) at World Boxing Organization (WBO) bantamweight title laban kay Omar Narvaez noong Oktubre 22 sa Madison Square Garden.
Ang WBC at WBO bantamweight crowns ni Donaire ay nanggaling sa kanyang second-round TKO win kay Mexican Fernando Montiel noong Pebrero 19 kung saan ito ay hinirang bilang “Knockout of the Year” mula sa RingTV, ESPN at Sports Illustrated.
Tumatayo bilang No. 8 si Vazquez sa The RING Magazine.
Si Vazquez ay ang dating WBO super bantamweight ruler bago nabigo kay Mexican Jorge Arce via 12th-round TKO noong Mayo 7, 2011.
Iniwan ng 32-anyos na si Arce ang naturang super bantamweight title para bumaba sa bantamweight class.