Elasto Painters, Tigers mag-uunahan sa 1-0 lead sa kanilang semis series
MANILA, Philippines - Alam ni Rain or Shine coach Yeng Guiao ang kakayahan ng Powerade ni mentor Bo Perasol.
Bilang No. 8 matapos ang elimination round, dalawang beses tinalo ng Tigers ang No. 1 B-Meg Llamados, nagbitbit ng ‘twice-to-beat’ advantage, sa quarterfinals upang makatagpo ang Elasto Painters sa best-of-seven semifinals series.
“Iba ang Powerade nu’ng elimiantion at ngayong playoffs,” wika ni Guiao. “Mas mabigat sila ngayon. They beat the number one team (B-Meg). Kaya mabigat.”
Magtatagpo ang Rain or Shine at ang Powerade ngayong alas-6:45 ng gabi para sa Game One ng kanilang semifinals showdown sa 201q1-2012 PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Nasa kanilang unang semifinals appearance sa Philippine Cup ang Elasto Painters sapul nang lumahok sa PBA noong 2006-07.
Ito naman ang unang semis stint ng Tigers mula pa noong 2004 Fiesta Conference.
Tinalo na ng Rain or Shine ang Powerade, 96-93, sa kanilang unang pagkikita sa eliminasyon noong Oktubre 9 sa Yñares Center sa Antipolo City.
Sinabi ni Guiao na hahayaan na lamang nilang umiskor ng malaki si Gary David hanggang sa mapagod ito kasabay ng paglimita sa iba pang Tigers.
“Ang hirap pagplanuhan ng depensa ang Powerade. Kaya hahayaan na lang namin si Gary David,” wika ni Guiao. “Kaya sa ibang aspeto kami magpo-focus.”
Si David ay nagtala ng average na 22.5 points per game sa torneo at nagposte ng mataas na 34.5 points per game sa kanilang quarterfinal games ng B-Meg.
Naglaro si David para kay Guiao para sa Burger King sa nakaraang best-of-seven semis series ng 2009 Fiesta Conference laban sa San Miguel Beer.
“Ready na kami sa mga plano naming opensa at depensa para sa Rain or Shine,” ani David.
- Latest
- Trending