Patalaan sa Stags Run patuloy na dinadagsa
MANILA, Philippines - Patuloy na dinadagsa ang talaan para sa ikalawang Stags Run 2012 na ilalarga sa Enero 15 sa ASEANA City na matatagpuan malapit sa Mall Of Asia at Macapagal Boulevard.
Inorganisa ng San Sebastian College-Recoletos, ang tema sa taong ito ay “Takbo para sa Edu-Misyon” at ang layunin ay makalikom ng pondo na magagamit para itustos sa educational missions sa Sierra Leone sa West Africa at sa Casian Island sa Palawan.
Umabot sa 5,300 ang nakiisa sa unang edisyon noong 2011 pero kumbinsido ang pamunuan ng San Sebastian sa pangunguna ng kanilang pangulo na si Fr. Anthony Morillo, OAR, na mas marami ang tatakbo ngayon.
Ito ay dahil hindi lamang mga mag-aaral, alumni, mga guro at empleyado ng Kolehiyo ang nagpapatala kundi ang iba pang mga indibidwal na nahihilig sa pagtakbo at naniniwala sa kanilang krusada.
Ang mga registration sites ay matatagpuan sa Chris Sports stores sa SM Mall of Asia sa Pasay City, Glorietta at SM Manila at sa ROX sa Taguig City.
“Hinihimok namin ang mga mahihilig na tumakbo na makiisa sa aming adhikain upang makatulong sa aming educational missions,” pahayag naman ni Fr. Christopher Maspara, OAR, na siyang pinuno ng organizing committee.
Tumutulong din sina Fr. Arnel Diaz, OAR, Dindo Bunag at athletic director Frank Gusi, ang registration fee ay inilagay sa P500 para sa 3k, 5k at 10k at ang karera ay magsisimula sa ganap na alas-6 ng umaga.
Sa MOA Grounds isinagawa ang unang edisyon at lumabas na kampeon sina Marvin Guarte at Jho-An Banayag sa 10K, Justin Tabunda at Mercedita Manipol-Fetalvero sa 5K at Michael Bacong at Michelle de Vera sa 3K distansya.
- Latest
- Trending