Valmayor ibabandera ng UP sa pagbangga sa Ateneo
MANILA, Philippines - Ipapakita ng University of the Philippines (UP) ang kanilang kakayahan na maidepensa ang hawak na men’s football title sa pagbubukas ng Season 74 sa Enero 15 sa Ateneo football field.
Sasalang agad ang Maroons sa pagbangga sa host Ateneo sa ikatlo at huling laro dakong alas-3:15 ng hapon at nais ng koponan may 15 football titles na buksan ang kampanya sa pamamagitan ng panalo.
Dominadong-dominado ng UP ang nagdaang season nang hindi sila nakatikim ng kabiguan sa kabuuan ng torneo at ang dungis ay ang tablang laro laban sa La Salle na nangyari sa pagtatapos ng first round. Kinalaban nila sa Finals ang UST at tinalo sa 2-1 iskor tungo sa kampeonato.
Ibabandera ang Maroons ni Jinggy Valmayor, ang striker na siyang hinirang bilang Rookie of the Year at napabilang sa Junior Azkals (U-23) na naglaro sa 26th South East Asian Games sa Indonesia.
Ang iba pang tunggalian ay sa pagitan ng La Salle at UE sa ganap na alas-10 ng umaga at UST kontra FEU dakong ala-1 ng hapon.
Ang women’s champion na FEU ay bye sa opening round at maglalaro lamang sa Enero 19 laban sa Lady Eagles na itinakda sa ala-1:15 ng hapon.
Tulad ng UP ay palaban pa ang Lady Tamaraws dahil nasa koponan pa si Frea Fado na Most Valuable Player (MVP) ng Season 73.
Ang UST na natalo sa FEU sa finals noong nakaraang season,1-0, ay makikilatis ang lakas laban sa UP na mapapanood matapos ang tagisan ng La Salle at Ateneo sa ganap na ala-1 ng hapon.
Bubuksan naman ng FEU Baby Tamaraws ang kanilang pagdepensa sa titulo sa juniors laban sa UST Tiger Cubs sa ganap ala-8 ng umaga at susundan ito ng pagkikita ng Ateneo at La Salle-Zobel.
- Latest
- Trending