MANILA, Philippines - Hindi hadlang para sa baseball team ang mga pagsubok na dinaanan, habang pinatunayan pa rin ng men’s at women’s softball team na sila ang hari at reyna kung Southeast Asian Games ang pag-uusapan.
Inalisan ng allowances at muntik nang hindi nakasama sa pambansang delegasyon, positibo pa rin ang naging pananaw ng koponang nasa ilalim ng Philippine Amateur Baseball Association (PABA) at tinulungan ni Marty Eizmendi upang magkaroon ng pagkakataon na makabawi sa kabiguang nalasap noong 2007 sa Thailand.
Hari ang Pilipinas sa baseball noong 2005 sa bansa pero naisuko ang titulo nang lumipat sa Thailand ang bakbakan habang walang baseball na idinaos sa 2009 sa Laos.
Nang nakatungtong sa Palembang, Indonesia, ipinamalas ng mga national clouters ang bangis ng kanilang paglalaro at una nilang pinataob ay ang nagdedepensang kampeon na Thailand sa 9-2 iskor.
Hindi na nagpaawat pa ang koponan at isinunod ang Vietnam, 10-0, Malaysia 10-0 bago huling pinataob sa eliminasyon ang host Indonesia, 4-0.
Sa Finals ay kinaharap ng Pilipinas ang host Indonesia na nagbuhos ng pera sa kanilang koponan nang magsanay sila sa iba’t-ibang bansa para sa SEAG.
Walang epekto ito sa husay ng mamamalo ng koponan at pitcher na si Darwin dela Calzada nang iuwi ng Pilipinas ang dikitang 2-0 panalo at kampeonato uli sa SEAG.
Ang softball teams din ay nakapagdomina sa kanilang mga katunggali at ang Blu Girls ay hindi natalo sa anim na laro tampok ang 6-0 tagumpay sa Thailand sa Finals.
Mas masalimuot naman ang dinaanan ng Blu Boys, ang nagdedepensang kampeon na gaya ng baseball team ay muntik hindi nakasama kungdi pinondohan ni ASAPhil president Jean Henri Lhuillier.
Nasorpresa ang men’s team ng host Indonesia sa unang labanan, 2-4, pero itinaas ang antas ng paglalaro ng Blu Boys sa sumunod na katunggali tungo sa 11-1 panalo sa Singapore at 9-0 tagumpay sa Malaysia at makaabante sa Page System.
Lalo nang bumangis ang laro ng koponan at binawian nila ang Indon team, 2-1, para makaabante na agad sa Finals.
Nanaig ang host team sa Singapore, 9-2, para ikasa ang tagisan laban sa Pilipinas sa kampeonato ngunit hindi pa rin natapatan ng Indonesia ang husay ng national players tungo sa 7-3 tagumpay.
Hindi pa batid ang magiging kahihinatnan ng baseball at softball teams sa 2012 lalo pa’t magbabago ng direksyon ang suporta mula sa Philippine Sports Commission.
Pero anuman ang maging desisyon, naipakita at pinatunayan ng mga nabanggit na koponan na sa South East Asia ay hindi pa rin sila padadaig sa mga katunggali.