OKLAHOMA CITY — Ipinagpatuloy ni Russell Westbrook at ng Oklahoma City Thunder ang kanilang pamamayagpag sa pagtatapos ng 2011.
Umiskor si Westbrook ng 18 points, habang tumipa si Daequan Cook ng apat na 3-pointerspara pangunahan ang Oklahoma City sa 107-97 pananaig laban sa Phoenix Suns.
May 4-0 rekord ang Thunder sa kanilang mga New Year’s Eve home games na naging tradisyon na matapos lumipat ang prangkisa mula sa Seattle hanggang sa Oklahoma City.
“You’ve got to start the new year with a win,” sabi ni Westbrook. “Hopefully, we can keep this going.”
Sa kanilang 5-0 baraha, nasa best start ngayon ang Thunder matapos magposte ng 6-0 marka sa 1998-99 season.
Nagdagdag si Thabo Sefolosha ng 12 points para sa Oklahoma City, habang may 12 si Kevin Durant dalawang gabi matapos ang kanyang buzzer-beater kontra sa nagdedepensang Dallas Mavericks.
Nagtala naman si Hakim Warrick at rookie Markieff Morris ng tig-15 points para banderahan ang Suns.
Dalawang two-handed dunk ni Serge Ibaka ang kaagad ginawa ng Thunder matapos ang opening tip patungo sa kanilang 7-0 lamang na lumobo sa 17-5 mula sa isang two-handed breakaway dunk ni Westbrook sa gitna ng first period.
Nakalapit ang Phoenix sa 23-22 matapos ang dalawang freethrows ni Robin Lopez para kumpletuhin ang kanilang 10-2 run kasunod ang ratsada ng Oklahoma City.
Sa iba pang laro, ginapi ng Los Angeles Lakers ang Denver Nuggets, 92-89; binigo ng Detroit Pistons ang Indiana Pacers, 96-88; hiniya ng Houston Rockets ang Atlanta Hawks, 95-84; tinalo ng San Antonio ang Utah Jazz, 104-89; iginupo ng Philadelphia 76ers ang Golden State Warriors, 107-79; at tinakasan ng New York Knicks ang Sacramento Kings, 114-92.