MANILA, Philippines - Naghahanda na ang mga sports officials ng bansa na magpadala ng pinakamaliit na bilang ng manlalaro sa 2012 London Olympics.
Pitong buwan na lamang bago buksan ang aksyon sa pinakaprestihiyosong torneo sa mundo pero hanggang ngayon ay dalawa pa lamang ang nakapasok para sa Pilipinas.
Sina women’s long jumper Marestella Torres at boxer Mark Anthony Barriga ang mga opisyal na lahok ng bansa matapos maabot ang qualifying marks.
Hindi naman bababa sa limang atleta ang maisasali ng Pilipinas sa kompetisyon dahil puwede pang magpasok ang athletics ng isang mandatory athlete sa kalalakihan habang ang swimming ay binibigyan din ng isang male at female swimmer kung walang makaabot sa qualifying standards.
Posible pang madagdag si weightlifter Heidilyn Diaz ngunit kailangan niyang mapanatili ang number seven ranking sa kompetisyon sa Korea.
Si Handball secretary-general at dating pangulo ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) Manny Lopez ang siyang tatayong Chief of Mission at nananawagan siya sa mga National Sports Associations (NSAs) na gamitin ang kanilang impluwensya sa kanilang international federations para madagdagan ang mga manlalarong Pinoy gamit ang ibinigay nilang wild card.
Isa nga sa kumikilos ay ang taekwondo na hindi nakapasok ang manlalaro sa London sa dalawang Olympic qualifying events na ginawa sa taong ito.
Ang Olympics ay itinakda mula Hulyo 27 hanggang Agosto12 at ang Pilipinas ay magbabaka-sakaling mapanalunan na ang mailap na gintong medalya.
Mula pa noong 1924 ay kasali na ang Pilipinas sa Olympics pero ang pinakataas na medalyang napanalunan pa lamang ay dalawang pilak na hatid ng mga boksingerong sina Anthony Villanueva at Mansueto “Onyok” Velasco noong 1964 Tokyo at 1996 Atlanta edisyon.