Diaz, Colonia magsasanay sa China

MANILA, Philippines - Nakatakdang tumulak patungong China ang mga pambatong weightlifters ng bansa na sina Heidilyn Diaz at Nestor Colonia para dito sumailalim sa puspusang pagsasanay.

Sa Guangxi Province balak isalang ang dalawa sa intensibong pagsasanay upang maihanda ang mga sarili sa gagawing Olympic qualifying sa Korea sa bandang Abril.

Ayon kay Philippine Weightlifitng Association (PWA) President Monico Puentevella, posibleng isama rin sa trai­ning ang magkapatid na sina Patricia at Lea lalo pa’t ang mga ito ay nakikitaan ng potensyal na makilala sa sport sa malalaking torneo sa labas ng bansa.

Si Diaz na nakapaglaro sa Beijing Olympics bilang wildcard ay posibleng mapasama rin sa London Games matapos ang pampitong puwesto pagtatapos sa IWF world weightlifing championship noong nakaraang buwan sa Paris, France.

Kailangan lamang ni Diaz na mapanatili ang nasabing pu­westo sa Korea upang mapabilang sa 10 lifters sa na­sabing dibisyon na aabante sa Olympics.

Ang pagtungo sa China ay matutuloy na dahil na rin sa pagtulong ng MVP Sports Foundation nang magbigay ito ng P1 milyon para igugul sa pagsasanay ng mga lifters na may kapasidad na mapasama sa 2012 Olympics.

Sa una o ikalawang linggo inaasahang tutulak sina Diaz at Colonia para magkaroon ng mas mahabang pag­sasanay sa China.

Kasabay nito ay nais din ni Puentevella na hilingin sa Chinese Weightlifting Association na makapagpadala ng Chinese coaches sa bansa upang maipamahagi ang kanilang kaalaman sa mga local coaches at iba pang lifters na hindi maipadadala sa foreign training.

We’re trying to get one weightlifting coach from China; they’re already doing this everywhere. Chinese officials have already agreed and hopefully they will send us a na­tional team-level coach,” wika pa ni Puentevella.

Show comments