SACRAMENTO, California--Ibinuhos ni Marcus Thornton ang 12 sa kanyang 27 puntos sa huling yugto habang may 20 puntos naman si Tyreke Evans at balikatin ang Sacramento Kings sa 100-91, panalo sa Los Angeles Lakers nitong Lunes.
Tumapos taglay ang 13 puntos si John Salmons habang 12 puntos at 11 rebounds ang inihatid ni DeMarcus Cousins para sa Kings na winakasan ang mahigit na tatlong taong kabiguan sa kamay ng Lakers kapag idinadaos ang laro sa kanilang tahanan.
May 29 puntos si Kobe Bryant habang 19 ang ibinigay ni Metta World Peach para sa Lakers na binuksan ang kampanya tangan ang magkadikit na kabiguan na huling nangyari noon pang 2002 at 2003 season.
Kasabay ng Lakers na hawak ng bagong coach na si Mike Brown, na may masamang simula ay ang nagdedepensang kampeon Dallas Mavericks na yumukod sa Denver Nuggets, 115-93.
Wala pa rin ang dating tikas sa opensa at depensa sa Mavericks na tinalo ang Miami Heat sa Finals noong nakaraang taon.
Kinalawang ang Mavs sa ikalawang yugto at rumatsada ng 20-0 run ang Nuggets habang ang Mavericks ay sumablay sa 14 diretsong opensa para magkaroon ng pagdududa kung kakayanin pa nilang maidepensa ang suot na titulo.
Sa iba pang resulta, nagwagi ang New Jersey sa Washington Wizards sa lugar ng huli, 90-84, nang si Kris Humphries ay gumawa ng 21 puntos at 16 rebounds para sa Nets habang si Hedo Turkoglu ay nagpasabog ng 23 puntos para pangunahan ang limang Orlando Magic players na may double pigura para sa 104-95 panalo laban sa Houston Rockets na ginawa sa Orlando.