Para Games medalists may incentives sa PSC
MANILA, Philippines - Hindi masasayang ang pagbibigay ng karangalan ng mga differently-abled athletes sa 6th ASEAN Para Games sa Indonesia mula Disyembre 12 hanggang 22.
Ito ay dahil tatanggap din ng insentibong pinansyal ang mga medalists sa delegasyong ipinadala ng Philippine Sports Association for the Differently Abled (Philspada) mula sa Philippine Sports Commission (PSC).
Wala pa sa batas na nakasaad sa Incentives Act ang paggawad ng insentibo sa mga differently-abled athletes pero nakagawian na ng PSC na magbigay ng makakayang halaga bilang papuri at pagpapasalamat sa hirap na ginawa ng mga nasabing atleta.
“Yes we are,” wika ni PSC executive director at commissioner Chito Loyzaga nang makapanayam kung gagawaran din ng pabuya ang mga differently abled athletes tulad ng tinanggap ng mga abled athletes na kumampanya sa 26th SEA Games.
“I’m just not sure of the amount but we will be giving them their incentives,” dagdag pa ni Loyzaga.
Sa mga dating administrasyon, ang bawat gintong medalya sa ASEAN Para Games ay nagkakahalaga ng P25,000 habang ang pilak ay P15,000 at P10,000 ang bawat bronze medals.
Umani ng 23 ginto, 23 pilak at 18 bronze medals ang inilabang delegasyon sa 6th PARA Games upang tumapos sa ikalimang puwesto.
Umabot sa 11 sports ang idinaos sa edisyong ito at ang nanguna ay ang Thailand sa 126 ginto, 96 pilak at 73 bronze medals.
Kasunod nito ay ang host Indonesia sa 113-108-89 habang ang Malaysia ang pumangatlo sa 51-36-45 at ang Vietnam na mayroong 44-44-72 medal tally.
Ang Pilipinas ay sumali sa pitong sports na swimming, athletics, table tennis, chess, bowling, powerlifting at archery at pinakaproduktibong delegasyon ay ang swimming na nanalo ng 7 ginto, 3 pilak at 1 bronze medals.
Si Ernie Gawilan ang nanguna sa tankers nang manalo ng tatlong ginto sa larangan ng 100m back, 200m individual medley at 400m free sa kategoryang S8.
Ang iba pang multiple gold medalists ng Pilipinas ay sina Arnel Aba na may dalawang ginto sa swimming, Prudencio Panaligan na may dalawang ginto sa athletics, beteranong Josephine Medina na may apat na ginto kasama ang dalawa sa team event sa table tennis at Sander Severino sa chess na may tatlong ginto kasama ang dalawang team events.
Si Paralympian Adeline Dumapong-Ancheta ay gumawa naman ng bagong Para Games record sa 82.5kg over sa powerlifting nang nakabuhat ng kabuuang 120 kgs.
- Latest
- Trending